PAGSALUBONG SA TAKIPSILIM (at ibang tula)
Pagsalubong sa Takipsilim
(Prologo)
(2004)
Salamat sa pagdating kadiliman
At iyong tinugunan
Buhayin ang aking nahihimbing na kamalayan
Pinupugay ko ang iyong kariktan
Kasama ang dilim ng gabi
Na nagpapalabas sa aking kagandahan
Supilin mo o kalungkutan!
Ang ilaw ng tuwa at saya
At isabog ang luha sa madla
Sa pagsalubong sa takipsilim
Na aking pinakahihintay
Muling mabubuhay ang koro ng mga hikbi;
Na panaghoy ng mga sawi
O gabing paparating
Sakupin yaring langit
Kahit sa mumunting oras lang ng dilim
Ito’y mapasaakin
Kasawian
(2004)
Ako ang anak ni lungkot at sakit
Pinanganak kakambal ang pusong sawi
Pangarap ko ay maabot ang langit
At mahaplos ang aking mahal na bituin
Kapatid ko ay pagkukubli
Ako ang dugtong ng buhay na puno ng pighati
Laruan ko ay luha,
Hikbi ang aking gawi
Ngiti ang aking taguan
Pagtawa sa akin ay isang pagaalinlangan
Kailangan lang gamitin sa oras ng kagipitan
Upang takpan ang aking katauhan
Ang aking irog ay wagas na pagmamahal
Laging nakangiti at nakatawa
Lubha ang mundo namin ay magkaiba
Kaya siya ay aking tinitingala
Puso niya ay puno ng pagsinta
Samantala sa akin ay sugatan ng lubha
Sa tuwing kasama niya si kagandahan,
Damdamin ko’y parang tinurukan
Ang ngalan ko pala’y kasawian
Tagapamahala ng mga pusong sugatan
Kaibigang matalik ang tahimik na puso,
Na nagsusumigaw sa hiling ng pagsuyo
Nakasadlak sa dilim
Araw ko’y di na yata darating
Kung si pagmamahal
Ay hindi ako mapansin
At kung sa isang pagkakataon
Si pagmamahal ay dalawin ako,
Buhay ko’y tuluyang magbabago
At sa hawla ng kalungkuta’y makakalaya ako
Taglagas sa Tagsibol
(2000)
Puso’y minsan nang umibig
Lagi namang nasasaktan
Dalamhating aking angkin
Kinukubli lagi ng kasiyahan
Hindi na ninanais
Hindi na rin inaasam
Magmahal pa muli
Gayong ito’y nakakasakit lang
Ngunit bigla kang dumating
Sa landasing aking tinahak
Pinatibok yaring puso
At hindi na sinunod ang utak
Pagdaan ng panahon
Sa iyo’y nahulog na
Anghel na mula sa langit
Sana ikaw na talaga
Ngunit sa isang pagkakataon
Tagsibol pala ang iyong puso
Walang daan para sa aking pagtingin
Pagkat iba pala ang iyong iniibig
Tagsibol sa iyong puso
Taglagas sa aking damdamin
Tag-araw sa iyong landasin
Tag-ulan sa akin dumating
Sumpa ngang tunay sa akin ibinigay
Ng dating pagmamahal na ako lang ang nag-alay
Ngunit natuto sa iyo’y magsinta
Kahit masaktan patuloy pa ring umaasa
At kung iyong mapapansin
Aking tunay na damdamin
Nawa’y hindi ka maging huli
Upang taglagas ko’y maging tagsibol muli
Sanga-sangang pag-ibig
(2001)
Bakit kailangang magkatagpo
Kung ang totoo ay hindi magiging ikaw at ako
Pangarap nalang din,
Na naging bangungot bandang huli
Sana hindi na tayo nagkita
Sana hindi na tayo nagsama
Kung tunay na damdamin
ay hindi naman maipakita
Dalangin ko’y iyong mapansin
Aking lihim na damdamin
Labis kong itinago
sa likod ng mga bituin
Huwag mo sanang paglaruan
Puso kong lubha nang sugatan
Kung labis mo akong mahal,
Bakit kailangan pang itago sa madla
Sanga – sangang pag-ibig
Puso ko ay naipit
Mahal kita ngunit tibok ng puso mo’y iba
At siya’y nabihag na.
Ako ang naiwan
Sa laro ng pag-ibig mo
Sana tigilan mo na ito
Pagkat damdamin ko’y dumurugo
Nawa’y iyo nang mapansin
Lihim kong pagtingin
Kislap sa aking mga mata’y manunumbalik
Kung ako’y iyong mamahalin
Kung ang pag-ibig(Epilogo)
(2004)
Kung ang pag-ibig ay may pakpak
Nawa ay liparin niya ako sa iyong tabi
At tulutan na ika’y makapiling
Kung ang pag-ibig ay may mga mata
Nawa maipakita niya ang lihim kong damdamin
At ako’y makita mo rin
Ngunit kung at kung lang ang pag-ibig,
Wala pa ring katiyakan
Na iyong malaman sa puso ko’y ikaw lamang
Kaya sa pumpon ng mga salita
Aking ipapahiwatig
Kung ano ang pag-ibig sa akin
Pag-ibig na ikaw lang ang nagmamay-ari
Puso sa iyo tanging nabighani
Liliparin niya ako at ihahatid ng hangin
Upang ako’y makita at mahalin mo rin.
Mariabelle Martinez Balisacan
Authors note: This was written when I was in College and submitted this as an entry to Varsitarian when I was in 4th year. Taken from my original blog, soundsofheaven.blogspot.com