Monday, August 10, 2015

Estrelya

Pilit mong iniiwasan
Mga ugong ng nakaraan
Mariing tinatakasan
Dagundong ng kidlat sa tuwing umuulan

Daluyong ng dagat 
Buhawi sa gabi
Gulo pagdating sa takipsilim
Puso mo'y biglang napapinid

Sa iyong pagtingala sa langit,
Munting bituin sumisilip
Handang bigyan ka ng pagasa 
Na bagyo ay lilipas din

Hinawi nya ang ulap, 
Kislap nya ang tanging maningning
Dala nya ay hamog 
na humahalik sa iyong pisngi

Iyong ipikit ang mga mata 
At gumawa ng hiling 
Iyong pakinggan ang mga alon na untiunting umaaawit. 

Hatid nya ay pagasa sa pagdating ng gabi, 
Tanglaw mo sa pagsapit ng dilim
Tanod mo sa iyong paghimbing

At sa pagsibol ng bukangliwayway,
Gigisingin ka nya ng maiinit na halik
Bubuhayin ang nahihimbing mong pagibig
Sa sinag ng kanyang pagtangi

Ang munting bituin mo ay siyang araw sa umaga
Kinukubli ang anino ng pighati
Upang buksan ang puso mo at muling magsinta

At kung ang makapal na ulap man
Ay biglang dumating
Nawa'y maging tala ka rin 
Na siyang liliwanag sa landasin ng iyong bituin. 

Mariabelle Martinez - Balisacan
Agosto 10, 2015

Sunday, August 2, 2015

Isang Libo't Isang Panalangin

Paano ko ipapabatid
Lihim kong damdamin
Hanggang kailan itatago
Tangi kong pagtingin

Lagi kang tanawin
Sa bawat araw na dumarating
Ikaw ang hininga na bumubuhay 
Sa puso kong humihikbi

Ikaw ang araw at gabi
Liwanag sa dapithapon kong parating
Ngiti sa luhaan kong pisngi
Pag-asa sa naguguluhan kong isip

Nguti paano kita paniniwalain
Na ikaw ay mahal sa akin
Kung ang bawat minuto'y 
Anino lang ako sa iyong paningin

Sana'y matulad din ako ng iba
na iyong pagkakanaisin
Matampulan ng pagmamahal sa iyong mga bisig
at makahawak kamay pagdating ng takipsilim

Hanggang kailan pipigilin 
Gaano katagal iki-kimkim
Ikaw lamang ang tanging kasagutan 
Sa aking isang libo't isang panalangin

Mariabelle Martinez Balisacan -- Education Journal Nov 2005 - March 2006 issue