Wednesday, November 16, 2011

Pumpon ng Bulaklak

WRITER'S NOTE: this is one of my unreleased work. I just posted it on my blog and even my mom dont like this (cause im a tragic writer... "yahyah" ) Hindi na kasi umabot ito sa pasahan ng UST Education Journal. but im sharing it with you guys. Enjoy!!!!
to Yvonne, thanks for appreciating my work. 

Pumpon ng Bulaklak
ni (Princess_Belle)

Napakalakas ng ulan noon. Nakapinid ang mga braso mo nang pumasok ka sa loob ng eskwelahan upang kausapin ang mga kasama natin.

Lagi ka naman ganyan, hindi ka na nagbago…

Unti-unti mong binulungan ang isa’t isa na parang ang lahat ay nagulat. Marahil may sorpresa ka.

Ano kaya ‘yon?

Tapos, napansin kong malamlam ang mga mata mo habang tinungo mo ang kompyuter upang pakinggan ang paborito nating awitin.


Mahal mo na nga ata ako…


Biglang pumasok si Charles at tumabi sa iyo. Nakita kong hinagod niya ang iyong likod at may sinasabi ngunit hindi ko maarok. Ngumiti ka pasaglit subalit may marka ng mga luha na dumaan sa iyong mga pisngi.


Umiiyak ka pala…


Nagdalawang isip akong lumapit dahil baka tungkol ito sa isang sawing pag-ibig. Ayokong malaman pa na iniwanan ka ng taong mahal mo gayun na narito naman ako para sa iyo. Nagkamot nalang ako ng ulo dahil hindi ko alam ang gagawin. Maya – maya ay tumayo ka. Gusto kong pakalmahin ka; kausapin, yakapin. Subalit pinipigilan ako ng pagkakataon dahil kahit matalik kitang kaibigan, para sa akin higit pa roon ang nadarama ko.


Napaupo ako sa sofa natin. Lugar kung saan minsan nabuhay ang iyong mga ngiti, halakhak at mga patawa. Inakap ko pa nga yung teddy bear na nakaupo kasama natin.


Nagbago ka na…


Bumalik kang maraming dalang papel. Sigurado kong mga pinirmahan ito ng ating dekana. Pagkatapos ay tumawag ka sa telepono para humiram ng masasakyan.


Masipag ka talaga…


Kapagdaka’y dumating ang mga iba pa nating kaibigan. Sina Camil, Solei, Ronald at Alex. Nabuhay ang iyong mga ngiti. Bigla kang nagmadali dahil katitila palang ng ulan at ang kaninang tinawagan mong sasakyan ay mabilis na dumating.


Hindi mo na ako napansin na lumulan ng sasakyan. Marahil isa nga itong sorpresa dahil hindi ko alam kung saan tayo papunta. Masaya ka noon. Ang hilig mo pa ngang magbiro.


Habang nasa kalagitnaan tayo nang daan ay pinahinto mo ang sasakyan sa malapit na tindahan ng bulaklak. Bumili ka ng pumpon ng rosas na kulay pula, puti at may nag-iisang kulay pink. Napangiti ako dahil kaparis ito ng gusto kong bulaklak. Lahat sila ay nagtilihan na parang may isang bulwagan tayong pupuntahan.


Nasaktan ako dahil alam kong hindi para sa akin ang mga bulaklak…


Habang papunta ay nagkukwento ka. Hindi ko marinig ang boses mo dahil nasa harapan ka ng sasakyan at napakalakas ng tawa ng mga kasama natin. Nakitawa nalang ako upang hindi mahuli. Muntik nang mahulog ang pumpon ng rosas na inilapag mo sa harap ng sasakyan. Buti nalang at nasalo mo ito agad.


Mas masaya sana kung katabi kita…


Biglang huminto ang lulan nating van. Pamilyar sa akin ang lugar na parang napuntahan ko na ito minsan. Ikaw ang nauna na bumaba. Nakita kong malalim ang ginawa mong buntong – hininga na tila hinahanda mo ang sarili mong iabot ang napakagandang pumpon ng mga bulaklak. Maingat mo itong kinalong at halos yakapin mo na sa kakaingat.


Dahan – dahan ang hakbang na ginawa mo papasok. Maraming bulaklak ang nakapalibot. Pulos kulay pula, puti at lalong lalo na ang kulay pink. Naisip ko na parehas kami ng hilig na taong ito na dinalaw mo. Isang dahilan na kaya mo minahal siya dahil hindi kami nagkaiba.


Habang papalakad ka ay naririnig ko ang awitin natin. Halos madurog ang puso ko nang makita ko ang mga labi mong binabanggit ang bawat liriko ng kanta. Kabisado mo ito na parang hinaharana mo ang taong bibigyan mo ng bulaklak.


Gusto ko nang umalis…


Ngunit nang ako’y patalikod sa iyo ay narinig kong inusal mo ang aking pangalan. Dahilan upang ako’y lumingon pabalik at lumapit sa iyo nang tuluyan.


Naalala mo pala ako…


Tumabi ako sa iyo. Ngayon ang mga mata mong puno ng saya ay nababalutan ng luha. Laking pagtataka ko dahil kanina lamang ay naaninag sa iyo ang isang magandang araw. Tinawag ko ang atensyon mo subalit tagos ang iyong paningin. Tinignan ko ang direksyon ng iyong mga mata at nagulat ako sa aking nakita.


Para sa akin pala ang pumpon ng mga bulaklak. Ang mga rosas na pula, puti at pink. Ang awitin na kanina mong kinakanta. Ang mga ngiti mo kaninang umaga. Ako pala ang dadalawin mo. Patawad dahil inakala kong ibang babae na ang pupuntahan mo. Nasorpresa mo ako. Ginulat mo ako na iaalay mo pala sa akin ang pumpon ng rosas na iyong pinagkakaingatan.


Maya-maya ay inakap mo ang puting kahon na aking kinalalagyan. Tulad ng higpit ng pagkakayakap ko kanina sa teddy bear na dinala mo sa eskwelahan. Naramdaman ko ang init ng iyong mga braso kahit sa isipan ko na lamang. Naririnig kitang bumulong paulit ulit na binabanggit ang aking magandang pangalan… wala na ang salitang “Ate.” Nakangiti akong pinagmamasdan ka. Nakakatawa ka parin kahit ganyan ang hitsura mo.


Salamat pala sa pumpon ng bulaklak. Sa tanang ng buhay ko, ngayon palang ako nakatanggap nito.


Salamat ulit.


Kahit huli na…


-MMB

0 comments:

Post a Comment