Sunday, October 2, 2011

Nawawalang Sapatos ni Cinderella

“Fairy Tales are meant to be fairy tales.” Applicable lang ata ito sa mga taong nangangarap. Pero sa katotohanan, hindi naman nangyayari ito sa tao. Sabihin nyo nang negative ang lahat ng iniisip ko pero kung yun naman ang totoo…

Ako nga pala si Eden. Parang pangalan ng keso ‘no! Ayaw ko nang maniwala sa fairy tales kasi lagi naman akong bigo tuwing iniisip ko yon. Mula bata pa ako, pinapanaginipan ko na ako si Cinderella o kaya si Sleeping Beauty na ililigtas ng Prince Charming ko. Pero hanggang sa ngayon kahit na isa wala.

Past time ko na ata ang ma-inlove. Sa tuwing nakakakita ako ng “cute” na lalake ay crush ko na. Pero iba pa rin yung kaso ng na-develop na crush kasi para sa akin, crush na crush ko na yon. Naalala ko yung mga panahon na may bestfriend akong dalawang lalake. Si Ernest at saka si Roy. Kaklase ko sila parehas simula elementarya. Para sa akin, kuya-kuyahan ko si Ernest. Ganun nalang ang turing ko sa kanya at mahal ko siya bilang kuya ko. Wala kasi akong kapatid na lalake. Si Roy, siya ang una kong pinangarap na prince charming ko. Natatandaan ko pa nga yung mga sinabi niya tungkol sa akin…

“Alam mo, kaibigan kong matalik si Eden. Pero mas masaya sana kung si Tinay ang umakap sa akin nang nanalo tayo sa play.”

Aray! Masakit marinig yun. Sinabi nya ito sa kaklase ko na kasama namin sa play na Jose Rizal. Si Roy kasi yung lead cast at ako naman ang hamak na storyteller. Sana bingi nalang ako para hindi ko narinig ang mga sinabi niya. Tutal, totoo namang mas maganda si Tinay sa akin kaya naman nahulog ang loob nito sa kanya. Simula noon, broken hearted na ako.

********************

We meet many people along our journey; but only few stays in the heart. Nakilala ko si Kuya Marl nang tumuntong ako ng kolehiyo. Hindi natupad ang sinabi ko kay George na BS Communication Arts ang kukunin ko. Napunta ako sa BS Education at balak kong kunin ang major ng Filipino. Si kuya Marl, Religious Education ang kinukuha. Sa kanya ko natutunan na nangyayari rin pala ang himala basta maniniwala ka. Sumali ako sa organization na pinamumunuan niya kung saan ang mga estudyante lahat ay multi-talented. MULTI ang pangalan ng organization namin. Ayon kay kuya, pinagisipan daw ito ng 10 tao. Ayoko ngang maniwala sa sinabi nya pero nakailan narin siyang kwento sa akin kaya pinatulan ko na.

Masarap kasama si Kuya Marl. Galante kasi siya at thoughtful. Palabiro at maraming koneksyon. Kulang na nga lang pati mambabalot kilala niya. Naalala ko nang may isa kaming pagtitipon na kami ang nagorganisa. Ako ang binigyan ng responsibilidad sa technical at hindi biro ang gumawa ng powerpoint presentation. Nagloko kasi ang computer ko at nawala lahat ang pinaghirapan ko ng tatlong araw. Si kuya Marl ang nagbigay ng inspirasyon sa akin na kaya ko pang matapos yun. Ni-rush up ko ang trabaho at sa loob ng 15 minuto, natapos ko ang powerpoint na may ilang pagkakaiba lang sa tunay kong ginawa.

Masaya ang isang taon na kasama ko si Kuya. Feeling ko ay may tunay akong kapatid na lalake. Marami akong natutunan tungkol sa organization na sinalihan ko. Pinakilala niya rin ako sa mga kaibigan nya na tanyag sa larangan ng pag-arte. Dahil kay kuya, naging paborito ko ang kanta sa Anastasia na At The Beginning. Ako si Anastasia at siya si Dmitri na nagbalik sa akin ng masasayang nakaraan.

Kapag may mga masasayang alaala ang naibalik, mayroon din masasama. Nabalitaan ko na aalis na si George sa UP dahil hindi niya makayanan ang magisa sa Los Baños. Lumipat siya sa UST at Archi na ang kinukuha niya. Bangungot ang nangyari sa akin nang nalaman ko ang balitang iyon. Magkatabi lang kasi ang building ko sa kanya. Ilang santo na ata ang dinasalan ko na sana lumipat sila sa totoong building nila bago pa man siya lumipat ng eskuwelahan ko.

Nagpasalamat ako sa Diyos nang nalaman ko na lilipat na ang Department nila sa bagong gawa na building. Malayo-layo rin yon kaya wala na akong dapat alalahanin na makikita siya. At least, wala na ang isa sa mga problema ko.

Lalagpasan ko na ang mahabang kwento ng aming pagkakaibigan ni Kuya Marl. Isang taon pagkatapos ko siyang makilala, natagpuan ko si Rey. Mayaman si Rey at mahirap abutin. Singer kasi siya sa isang banda at halos lahat ng kababaihan ay nahuhumaling sa kanyang angking talento. Nakasama ko rin kasi siya sa MULTI. Pero ngayon, parehas kaming kolumnista sa dyaryo ng MULTI na Servers. Makulit kasama si Rey. Nagustuhan ko rin siya pero masyado kaming magkataliwas ng landas. Feminista ako, Chauvinista siya. Kulang na nga lang ay araw-araw na ginawa ng Diyos ay mag-away kami. Kaya hindi nagtagal ang crush ko sa kanya.

“ Maayos na ba? Hindi ba ako mukhang pagod?” Sabi ng lalake sa harapan ko. “Hindi ah! Ikaw talaga.” Sagot ko sa kanya. Si John na ata ang pinaka – metikulosong tao na nakilala ko. Sa katunayan, dinaig niya ako pagdating sa kalokohan at sa pagharap sa salamin. Pero aaminin ko na… may pagtingin ako sa kanya. Hindi siya kasama sa MULTI pero nakilala ko siya dahil kay Charmaigne; kaibigan ko sa MULTI. Palakaibigan kasi si John at palabati sa mga kakilala niya. Unang kita ko sa kanya ang akala ko ay suplado. Pero pagkalaon masarap pala siya kasama.

“Bakit naman Eden ang pangalan mo?” tanong sa akin ni John

“Hindi ko rin alam” sagot ko

“Alam mo ba kung ano ibig sabihin ng pangalan mo? Ang Eden kasi independent. Tinatago niya ang personality niya sa lahat at isa pa, nagiging aloof ka at hindi mo mahanap agad yung taong hinahanap mo.”

“Paano mo nalaman yan?”

“Sa internet” nangingiting sagot ni John.

Natuwa ako sa sinabi nya. Kahit ang ilan dun ay pawang katotohanan, naging masaya ako kasi hinanap niya ang pangalan ko sa internet. Nagtanong ako kay Charmaigne kung may kakilala pa si John na ibang Eden. Nasabi naman sa akin ng kaibigan ko na ako lang ang Eden na kakilala ni John. Natuwa ako kasi kahit papaano ay interisado siya sa akin.

Isang araw, dumating si John sa loob ng kwarto ng MULTI. Hinanap niya ako kay Charmaigne at nakita niya ako na nagco-computer sa isang sulok

“Eden samahan mo naman ako.” Magiliw na sabi sa akin ni John.

“ Saan naman?”

“Basta”

Pumunta kami parehas ni John sa library. Tinungo namin ang isang lamesa sa loob ng Filipiñana section kung saan naroon ang mga gamit niya. Kumuha siya ng upuan para sa akin at pagkaupo’y naglabas siya ng isang papel.

“Basahin mo ‘to”

“Ano to?”

“Basahin mo nalang” sabay ngiti niya sa akin.

Hindi ko inakala na manunulat din pala si John. Mahilig siya gumawa ng mga tula at ipinakita niya sa akin ang isa. Binasa ko ito ng pabulong para maiwasan na mapagalitan kami ng masungit na librarian na naroon.

***************
Taglagas sa Tagsibol… iniisip ko nang binasa ko ang mga kataga sa tula nya ay parang ako ang tinutukoy. Inakala niya ata na mahal ko si Rey kasi lagi kaming magkasama sa MULTI.

“Ang galing mo naman gumawa ng tula” wika ko kay John

“ Inspired lang…”

Namula ako nang nagkatitigan kami. Saglit lang iyon pero kinilig ako. Sa loob-looban ko, siya na kaya ang Prince Charming ko? Siya na kaya ang Price Eric ng buhay ko?

“ah eh, may klase ka pa ba?” tanong sa akin ni John.

“May meeting ang MULTI eh.” Gusto ko sanang sumagot ng wala pero kailangan ako sa meeting.

“Gusto mo, sumama ka nalang” pahabol ko sa kanya para magkasama parin kami.

“Hindi. Sige kayo nalang”

“Ano ka ba John; kailangan namin ng isa pang literary editor eh.”

“Talaga! Sige sasama na ako. Sandali, ano ba position mo pala sa MULTI”

“Secret! Malalaman mo nalang sa meeting”

Bumalik kami sa building. Tamang – tama ang pagdating namin dahil magsisimula na ang meeting. Pinangunahan ni Kuya Marl ang pagtitipon ng listahan ng mga dapat gawin at mga kailangan tapusin ng mga aalis nang editor. Dumating na ang pinakahihintay namin dalawa ni John: sasabihin na kasi kung sino ang mga editor ng Servers.

“ at Eden Martinez ikaw sa…” saglit ay nilipat ni Kuya ang pahina ng listahan ng Servers.
“Literary Editor ka!”

Nagulat ako sa sinabi niya. Pinakapaborito kong position iyon dahil sa hilig ko na magsulat ng maiikling kwento.

“Pero, may problema tayo.” Banggit ni Kuya Marl

“Kasi wala kang assistant. Si Rey sa News, si Charmaigne sa Editorial yung Features page under sa iyo kaya kailangan mo ng katulong para di ka mahirapan. Maraming page kasi yun dahil section 2 na yon ng Servers”

“ Ako po willing pero hindi kasi ako member dito. Salimpusa nga lang ako eh” biglang singit ni John.

“Maganda yan! Di na kasi ako pwedeng mag-assign ng iba dahil walang interes ang ibang kasama namin na paglaanan ng panahon ang Servers.”

“ Walang problema sa akin yun. Pangarap ko nga po ang maging kolumnista o kaya naman ang maging isang reporter. BS Journalism nga po ang kinuha ko for entrance di nga lang pinalad.” Sabi ni John kay Kuya

“Ganun ba? Eh di ikaw na ang assistant literary editor namin. Buti naman at magkakilala narin kayo ni Eden. Tingin ko di na kayo magkakaproblema.”

Nagitla ako sa mga nasabi ni John. Journalism pala ang kinuha niya. Parehas kami ng departamentong papasukan sana. Di ko inakala na may ilang bagay na parehas kami. BS Education din ang kinukuha niya pero English ang major niya.

Marami akong hindi inaasahan kay John na malaman. Ang ilan ay sana di ko na narinig o sana hindi na niya sinabi. Nalaman ko na lapitin pala siya ng mga babae at masaya siya sa ganun. Feminista ako kaya para sa akin hindi maganda ang mga nalaman ko. Wala naman akong ikakaila dahil gwapo naman siya.

“What if kung ligawan ka niya?” tanong sa akin ni Char.

“Sira ka ba? Hindi ako liligawan nun. Friends lang kami no.” feeling ko artistahin ang sagot ko kay Char. Hindi siya naniwala sa mga sinabi ko. Binanggit niya pa sa akin na nabalitaan niya na may girlfriend na daw si John kaya safe na siya para sa akin. Safe na alam kong di siya accessible na ligawan ako.

“Eden, may gagawin ka ba?” tanong sa akin ni John nung isang araw.

“Pasasama lang sana ako. Ok lang ba?”

Hindi ako sumagot. Naipit ako sa thesis ko at sa kanya. Tutal minsan lang naman ako hihindi bakit hindi ko pa ituloy na sabihin sa kanya.

“Sorry John. Marami pa akong gagawin. Aalis pa kami ng mga classmates ko.”

Umalis si John nang wala ako. Kailangan kong gawing produktibo ang araw ko nang hindi na ako sinisingil ng mga kaklase ko sa mga araw na wala ako sa group study namin.

Matapos ang limang oras bumalik ako sa MULTI. Wala pa si John kaya nagdesisyon akong kumain muna. Habang naglalakad ako sa labas ng UST narinig kong may tumawag sa akin.

“Eden! Wait up.”

Si John ang tumawag sa akin. Nagpaprint ata siya kasi may mga papel siyang hawak. Nagmamadali siyang tumakbo papalapit sa akin nang biglang…

“John. May bisikleta!”

Nasagasaan si John ng bisikleta. Nagasgasan siya ng kaunti pero kahit konting gasgas lang yun ay kinabahan narin ako.

“Ok ka lang” tanong ko sa kanya.

“Ok lang ako. Konting galos lang to. Nagmamadali kasi ako eh.”

Tinulungan ko siyang tumayo. Nahirapan siya dahil nasaktan ang paa niya at di makalakad ng matino. Hinatid ko siya hanggang sa kwarto namin sa MULTI. Habang akay ko si John, hindi ko napapansin na namumula na pala ako dahil hawak ko ang kanyang kamay.

“Cute ka pala kapag namumula ka.”

“ha?”

“wala. Blooming ka lang ngayon. In love ka no!”

Hindi ako makatingin kay John ng diretso. In love nga ako at sa kanya pa. ayokong aminin at ayokong malaman niya dahil baka makasira pa ito sa pagkakaibigan namin.

Nakarating kami sa MULTI na magkahawak pa rin. Nagulat ang lahat nang nakita nilang magkasama kami. Ako rin ay nagulat dahil sa isang tao.

“Edwin! What happened to you!”

Balingkinitan ang babaeng lumapit kay John. Nagulat ako dahil tinawag siya sa pangalawang pangalan niya. Nainis ako sa istilo at postura ni “Ms. Oneofakindsupermodel” dahil hamak na mas maganda nga siya kung ikukumpara sa akin. Wala akong masabi kundi bitawan ang pagkakaakay kay John at ihabilin nalang siya sa mahiwagang babaeng inglesera na hindi ko kilala.

“Please take care of him.” Sabi ko sa babae. “I just drop him by the office because I saw him bumped by a bicycle”

“Ano!” malakas na sigaw ni “Ms. Oneofakindsupermodel” matapos malaman na mabangga ng bisikleta ang mahal ko. Marunong naman pala siya magtagalog.

“Bakit kasi di ka nagiingat?” pagalit na sabi nya kay John na parang nanay ng isang batang nadapa dahil sa kakulitan.

Wala na ako sa usapan nila. Ayoko ko na ring magtagal dahil parang nanunuod ako ng Anaconda. Punong puno ng suspense at thrill ang bumubuo sa isipan ko habang nakikita kong ginagamot ng misteryosong babae ang John ko.
Pagkauwi ko ay agad akong tumawag kay kuya. Graduate na siya ng UST kaya hindi na kami naguusap. Gusto ko sanang i-konsulta ang mga bagay na bumabagabag sa akin.

“O sis! Napatawag ka?”

“Wala lang kuya”

“Kumusta ang elections”

“Kuya, pagkakaalam ko, nanalo si John”

“Galing niya talaga.”

“Oo nga kuya… oo nga”

Pulos pagmamalaki kay John ang nabitawan ko kay kuya. Tumakbong Vice President kasi si John ng MULTI at nanalo siya laban sa 3 niyang kalaban sa posisyon. Hindi ko kayang i-konsulta sa kay kuya ang problema ko kay John pagdating sa nararamdaman ko. Masaya na rin akong malaman na panalo siya sa pamamahala sa MULTI. Hindi ko narin sinabi kay kuya na mahal ko si John. Mararapatin kong ako nalang ang nakakaalam ng bagay na iyon. Mabilis na natapos ang usapan namin ni kuya at binaba ko na ang telepono.

Masama ang loob ko nang araw na iyon. Wala akong masabihan ng problema ko. Kinimkim ko ang lahat na idinulot ng sama ng tiyan ko, kaya lalo akong nagalit.

Parang walang nangyari kahapon nang sumunod na araw. Ang lahat ay bumalik sa normal. Ako, pumunta ng MULTI para ihatid ang mga artikulo ko. Nagmamadali akong lumabas dahil ilang saglit lang ay dadating na si John galing sa klase niya.

“Eden!”

Lalo akong nagmadali sa paglalakad. Narinig ko ang boses ni John at ayokong magkausap kami. Subalit nanghina ata ang mga tuhod ko na kahit gaano pa ako nagmamadali, bumabagal ang aking paglalakad.

“Eden!”

Pangalawang tawag na niya ito sa akin. Parang hinahabol ako ng taong pinagkakautangan ko at wala naman akong pangbayad kaya ko tinataguan. Hindi naglaon, nahabol parin niya ako. Nang tinignan ko kung gaano na ako kalayo sa MULTI ay tatlong kwarto lang pala ang nalagpasan ko.

“Eden, I want you to meet Samantha.” Nagulat ako sa taong pinapakilala sa akin ni John. Nagkaroon na ng pangalan si Ms. Oneofakindsupermodel ni John.

“Oh, Hi!” sabi ko.

“Ikaw pala si Eden. Di ba ikaw yung tumulong kay Edwin nung nasagasaan siya ng bisikleta? Salamat sa tulong mo ha”

“Ok lang yun. Basta si John.” Ngumiti ako ng konti pero may kasamang pait dahil tingin ko sila nang dalawa ng mahal ko. “Alis na pala ako. May gagawin pa kasi ako.”

Umalis ako na kimkim ang sakit sa puso ko. Ayoko nang bumalik sa MULTI. Ayoko ko nang makita si John. Ayoko nang marinig pa silang naguusap. Pero sa tuwing naiisip ko ‘to, naalala ko ang masasayang araw na kasama ko siya. Baka nagkakamali lang ako. Malay ko nga naman ba kung sino ba talaga si Samantha sa buhay ni John. Paano kung pinsan nya lang pala yun. Tapos pinakilala niya ako para maging close kami. Nakakatuwa kung iisipin pero kabado pa rin akong malaman ang katotohanan.

Kinabukasan, pumunta ako ulit ng MULTI. Tambayan ko kasi yun kaya kahit ilang beses kong sabihin na hindi ako babalik dun, hindi ko magawa. Nanduon si John. Hindi ko na siya pinansin tutal busy na siya sa trabaho niya lalo na may posisyon na siyang mataas. Pumasok si John ng kwarto na kumakanta.

“ I knew I loved you before I met you…” Tuwang tuwa siya na pati ako sinangkot sa pagkakanta niya. “Eden! Samahan mo akong kumanta. Di ba mahilig ka sa mga kanta ng Savage Garden?”

“Ah eh, Oo.” Hindi ko alam ang sasagutin ko. Totoong paborito ko ang mga kanta ng Savage Garden pero ayokong makikanta sa kanya sa panahon na iniiwasan ko na siya para madali kong malimutan ang nararamdaman ko sa kanya.

“Eden, huwag ka namang K.J. Sige na, ‘I knew I loved you before…’ ” Wala akong magawa kundi makikanta nalang din. Hindi ko maitatanggi na mahal ko na nga talaga si John dahil kahit kalimutan ko man siya, napakaraming bagay ang nagpapaalala sa akin sa kanya.

Lumipas ang mga araw na napapansin kong napakasaya ni John. Pumapasok siya nang walang problema daladala ang mga papeles na kailangan para sa mga projects ng MULTI. Pumasok ang isang babae na may dalang papel. Lumapit siya sa akin sabay sabi:

“Kilala mo si John Edwin Mendoza? Classmate niya kasi ako. Pakibigay naman ito sa kanya…” Inaabot palang sa akin ng babae yung papel biglang nagsalita si John. “Ei! Nandyan ka pala. Kanina pa kita hinihintay.” Habang naguusap silang dalawa, pumunta muna ako sa computer para tapusin ang article ko na deadline narin ng araw na iyon.

Narinig kong sumara ang pinto ng MULTI. Tingin ko yung kausap ni John na babae ang lumabas. Ilang segundo pa ay nagsalitang mag-isa si John.

“Ganda niya talaga. I love you.”

Nasaktan ako sa pagkakasabi niya. Crush niya pala yung babae na kanina lang ay kausap ko. Naisip ko na buti pa siya, nasabihan siya ng “I love you” ni John samantalang ako, nananaghoy sa mga salitang iyon.

“Uyyy si John in love.”

Wala na akong masabing iba para takpan ang lungkot ko sa katotohanan na ito. Hindi sumagot si John sa sinabi ko. Tingin ko dahil tuwang tuwa siya na nakausap niya ang taong gusto niya. Nagmistulang kumakausap ako sa hangin dahil ang kausap ko ay nakatitig sa kawalan. Lumabas ako ng MULTI pagkatapos kong i-encode ang artikulo ko. Marahil pati paglabas ko, hindi na niya inalintana dahil busy siya sa kakaisip sa crush niya. Kung crush nga lang ba matatawag doon.

Wala akong karapatan na magalit sa kanya. Kahit magselos wala akong magandang dahilan. Naalala ko ang sinabi sa akin ni Roland, isa sa mga kasama ko sa MULTI tungkol kay John.

“Alam mo, huwag mo nang ipagsiksikan ang sarili mo kay John. Alam mo naman ang totoo, hindi ba? May sariling pamilya na siya. Kaya wala ka nang puwang sa puso niya”

Biro lang sa akin ni Roland yung sinabing may pamilya na si John pero yung katotohanan na ipinagsiksikan ko ang sarili ko sa kanya, dun ako lalong nasaktan. Ayaw ko man na umabot sa ganito ang pagkakaibigan namin, tingin ko kailangan ko na talagang lumayo.

Tatlong araw akong di nagpakita sa MULTI. Hinanap ako ng mga bagong officers doon dahil madami narin akong deadline na article. Lagi akong nagdadahilan sa tuwing nakikita nila ako sa library naglalagi at hindi na sa opisina. Minsan naisip ko mas mabuti na ang bumalik kami sa dati. Yung mga panahon na hindi ko kilala si John o kaya naman hindi ko pa nararamdaman na mahal ko siya. Kung hindi ko lang naramdaman ito, tingin ko masaya parin ang pagsasama naming dalawa; kinakausap niya ako nang walang iniisip na iba, kinukwento niya sa akin ang mga “crushes” niya nang hindi ako nasasaktan at lalo na, kami na ang pinakamatalik na magkaibigan sa buong campus.

Miss ko na ang lahat ng iyon. Kasalanan ko nga marahil ang lahat. Hindi ko narin naman maibabalik sa dati ang mga bagay na ginawa ko na. Wala naman din akong alam na paraan para mabago pa ang tingin niya sa akin. Kung may fairygodmother lang sana ako, pwede akong mag-wish na ibalik nalang ako sa dati; Ako at si John – friends lang talaga. Hindi ko na hihilingin na maging kami ni John dahil parang diniktahan ko na ang puso niya kung sino ang dapat niyang mahalin.

0 comments:

Post a Comment